Paano nga ba ako napadpad dito?
"November 16, 2023" - Last day ko ngayon as Multi-skilled Technician sa isang hotel sa Taguig. Isang buwan kong iniisip kung tutuloy ba ako sa balak kong pag-alis sa trabahong pinapasukan ko. Isang buwan na mula nang magdeclare ang agency namin na di na sila tutuloy sa pagprovide ng serbisyo sa Hotel. Isang buwan na din ang processing ng paglipat namin sa bagong agency na pumalit sa amin. Isang buwan na din akong nananaginip tungkol sa nanay ko na kamamatay lang nung Mayo.
Sa panaginip ko, nakahiga siya sa isang kama, sa madilim na kwarto, pero makikita mo siya kasi parang may liwanag ng T.V. na nakatutok sa kanya. Lagi niyang sinasabi na "Kausapin mo kapatid mo, kausapin mo si Fer". Mas napadalas pa ito noong pagkatapos naming bumisita sa puntod niya noong November 3. Hindi nga pala kami sumabay noong November 1 at 2 kasi sa dami ng tao na dadalaw sa sementeryo.
Si Fer nga pala ang sumunod sa akin sa magkakapatid. Ako kasi ang panganay sa apat na magkakapatid. at ako lang ang lalaki sa amin. Siya nga pala iyong napagmanahan ng naiwang negosyo ng nanay namin noong nawala siya. Nasa ospital pa nanay ko, siya na iyong nagpapatakbo ng operasyon ng munting merienda stall sa lugar namin. At meron pa palang isang pwesto sa kabilang barangay.
Noong nakaraang linggo, nakausap ko si Fer through phone. Nagkamustahan muna saka konting bangka ng kwento bago ako nagtanong kung may problema ba siya ngayon. Natigil muna siya ng ilang segundo bago niya sinagot ang tanong ko. May problema daw sa tindahan ngayon. parang palugi ang negosyo at di niya malaman kung bakit at papaano nangyari ito. Siyempre, kuya ako, inaalala ko siya.
Habang nakatulala sa office table ko, naalala ko iyong huling pag-uusap namin ng nanay ko sa ospital. Alam niya na di na siya magtatagal kaya hinabilin niya sa akin iyong tatay ko, at mga kapatid ko. Kasama din doon yung pagkontrol ko sa ugali ko. Medyo di kaaya-aya kasi ugali ko lalo na pag nagagalit.
Nagdesisyon ako na di na ituloy iyong paglipat ko sa kabilang agency. Tutal naman wala namang nangyari sa siyam na taon ko bilang maintenance staff ng building. Kung saan-saan na din ako napunta, mapa-Cavite man o Laguna, hanggang sa Metro Manila. Sabi ko sa kapatid ko, tutulong na nga lang muna ako sa negosyo niya para may sasalo pag wala siya o di kaya may importante siyang lakad.
Pagkatapos ng usapan namin, agad akong nag-asikaso ng clearance ko at mga gamit na iuuwi sa Cavite. Nailalabas ko lang siya tuwing gabi kasi mahigpit ang guwardya sa umaga kesa sa gabi. Nagpaalam na din ako sa mga amo ko at sabi ko kung babalik ako, mga Marso o Abril pa. Pero baka di na rin siguro, pwedeng may posibilidad na bumalik. Nagpaalam na din ako sa mga kasama ko sa trabaho.
At ngayong huling araw ko sa trabaho, alam ko sa sarili ko na malulungkot ako kasi dito na ako nasanay, pero alang-alang sa kapatid ko at sa nasira kong nanay, aalis na ako.
Comments
Post a Comment